Friday, March 18, 2016

Pan-to



Pan-to ang tawag
Sa salo salo
May kasal
May unang anak
May biyabiyahe
May bumalik sa biyahe

Paikot-ikot si Ma'am Suzie
Nakahanda ang chopsticks ko
Sa kanang kamay
Pagdating ng mani
Kukunin kaagad

Umpisa 
ng marami pang pagkain

Friday, March 11, 2016

Buhay ni Chan Teh


           para kay angkong

Sa wakas
Mas malinaw na ang istorya
Isa't isa kong dinikit
Parang jigsaw puzzle

Parang marami na kanyang
Kababayan sa Tsina
Umalis siya, tumawid ng dagat
Noong sampung taon siya
Para makatulong sa pamilya 
Yan ang dating OFW

Vigan ang naging pangalawang
Bahay niya
Nagtrabaho, nakaipon
Umuwi at nag-asawa

Lumaki ang pamilya
Lumaki ang negosyo
Lumaki din ang poblema 
Noong dumating ang mga Hapon

Nasira ang negosyo
Nasira ang buhay
Umalis na naman
Manila ang pangatlong bahay

Nirerespeto, mabait,
Maganda ang kanyang loob
Hanggang wala na siyang maibibigay
Kundi buhay niya

Natapos ang lahat
Sa Chinese Gen
Huling salita
Noong sesenta anos

Monday, March 7, 2016

Vigan



Kung mawawala ang lahat
Hindi ang siyudad na ito 
Para kay itay 
Pwede siyang lumakad dito 
Kahit nakapikit ang mga mata 

Kaliwa 
Kanan 
Deretso 
Paikot-ikot kami 
Palaging tama ang kanyang turo 

Ganito ba kung tumanda?
Mawawala ang lahat 
Hindi ang siyudad na ito 


Friday, March 4, 2016

Ang Bayan ng Dragon at ang Bayan ng Lechon



Noong maliit pa ako 
Ang sabi sa akin 
Sa malayong lugar
may bayan ng Dragon
Iyan ang bayan mo

Nag-aral, lumaki,
Umalis ako 
Naging dayuhan sa bayan ng  dayuhan

Noong napagod
Ang katawan at puso 
At hinahanap si inay 
Lechon ang aking kinakain 

Thursday, March 3, 2016

Barkada




May ngiti sa mukha 
May beer sa mesa 
May tawanan sa gitna
Yan ang pagsasama na wala sa States
Iba talaga
Ang kaibigan mula sa pagkabata 

May pamilya 
May poblema 
May takot 
May galit 
Iba talaga 
Ang kaibigan mula sa pagkabata 

Natapos ang kainan
Natapos ang gabi
Hindi matapos ang aking pagsasalamat 

Wednesday, March 2, 2016

Kabalintunaan



Nagsamasama tayo at nag-away-away tayo
Parang sibuyas at sibuyas
Parang yelo at yelo 

Iyan ang buhay ng tao 
Ang drama
Ang sama ng loob
Ang tuwang may luha 

Sa araw na ito 
Sa wakas 
Naintindihan ko 

Trapik




Dahil sa trapik 
May motorcycle taxi
Mas mabilis kung makakasingit ka 
Parang ahas ng trapik 

Dahil sa trapik 
May tindero sa gitna ng malaking kalye 
Sigarilyo, tubig at miryenda 
Mini sari-sari store 

Isang trapic 
Isang buhay
Relax ka lang, pare ko 
Makakarating ka rin 
Sa pupuntahan mo

Balikbayan



Mga kalye na may lumang
pangalan, 
Oroqeta, Gandara, Ongpin
natuwa ako, 
parang kaibigan na kilala ko.

Moonlight bakery
Open 24 hours,
Aba! Napaka romantic, siguro 
may harana din

Wash, dry, press
P55/kilo
Ang mga damit ay parang
prutas at gulay,
tinitimbang ka 

Nasaan na ang Betamax store
Nasaan na ang barbero 
Tumanda at lumaki na ako
Ang puso ay bata pa rin