Sunday, April 3, 2016

Kung Walang Artista



Kung walang artista sa mundo
Paano na kung pag-kape tayo
Ano ang ating pag-uusapan

Kung walang artista sa mundo
Paano na kung gusto kong umiyak
Wala nang sinehan

Kung walang artista sa mundo
Sino ang magsasabi sa akin
Kung ano ang uso ngayon

Kung walang artista
Ako naman ang ar-arte
Ako ang artista ng buhay ko

Friday, March 18, 2016

Pan-to



Pan-to ang tawag
Sa salo salo
May kasal
May unang anak
May biyabiyahe
May bumalik sa biyahe

Paikot-ikot si Ma'am Suzie
Nakahanda ang chopsticks ko
Sa kanang kamay
Pagdating ng mani
Kukunin kaagad

Umpisa 
ng marami pang pagkain

Friday, March 11, 2016

Buhay ni Chan Teh


           para kay angkong

Sa wakas
Mas malinaw na ang istorya
Isa't isa kong dinikit
Parang jigsaw puzzle

Parang marami na kanyang
Kababayan sa Tsina
Umalis siya, tumawid ng dagat
Noong sampung taon siya
Para makatulong sa pamilya 
Yan ang dating OFW

Vigan ang naging pangalawang
Bahay niya
Nagtrabaho, nakaipon
Umuwi at nag-asawa

Lumaki ang pamilya
Lumaki ang negosyo
Lumaki din ang poblema 
Noong dumating ang mga Hapon

Nasira ang negosyo
Nasira ang buhay
Umalis na naman
Manila ang pangatlong bahay

Nirerespeto, mabait,
Maganda ang kanyang loob
Hanggang wala na siyang maibibigay
Kundi buhay niya

Natapos ang lahat
Sa Chinese Gen
Huling salita
Noong sesenta anos

Monday, March 7, 2016

Vigan



Kung mawawala ang lahat
Hindi ang siyudad na ito 
Para kay itay 
Pwede siyang lumakad dito 
Kahit nakapikit ang mga mata 

Kaliwa 
Kanan 
Deretso 
Paikot-ikot kami 
Palaging tama ang kanyang turo 

Ganito ba kung tumanda?
Mawawala ang lahat 
Hindi ang siyudad na ito 


Friday, March 4, 2016

Ang Bayan ng Dragon at ang Bayan ng Lechon



Noong maliit pa ako 
Ang sabi sa akin 
Sa malayong lugar
may bayan ng Dragon
Iyan ang bayan mo

Nag-aral, lumaki,
Umalis ako 
Naging dayuhan sa bayan ng  dayuhan

Noong napagod
Ang katawan at puso 
At hinahanap si inay 
Lechon ang aking kinakain 

Thursday, March 3, 2016

Barkada




May ngiti sa mukha 
May beer sa mesa 
May tawanan sa gitna
Yan ang pagsasama na wala sa States
Iba talaga
Ang kaibigan mula sa pagkabata 

May pamilya 
May poblema 
May takot 
May galit 
Iba talaga 
Ang kaibigan mula sa pagkabata 

Natapos ang kainan
Natapos ang gabi
Hindi matapos ang aking pagsasalamat 

Wednesday, March 2, 2016

Kabalintunaan



Nagsamasama tayo at nag-away-away tayo
Parang sibuyas at sibuyas
Parang yelo at yelo 

Iyan ang buhay ng tao 
Ang drama
Ang sama ng loob
Ang tuwang may luha 

Sa araw na ito 
Sa wakas 
Naintindihan ko